Ama todas, anak sugatan sa granada

Rizal, Philippines - Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang ama habang malubhang nasugatan ang binatilyong anak nito nang sumabog ang mortar grenade na kanilang kinalakal sa bayan ng Taytay, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Rizal PNP director P/Senior Supt. Rolando Anduyan ang biktima na si Alex Carbongco, 44, scrap buyer, ng Block 29, USA St., Bagong Pag-asa, Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal habang nilalapatan ng lunas sa Rizal Medical Center ang anak nitong si Kim Angelo, 13.

Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi sa pag-aaring junkshop ng mga Carbongco sa nasabing lugar.

Sinasabing nabili ng matandang Carbongco ang isang mortar grenade mula sa isang basurero.

Tinangka umano niya itong buksan sa pamamagitan nang pagpukpok dito gamit ang maso sanhi upang sumabog ito.

Show comments