9 bayan sa Isabela, sinalakay ng mga daga
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya ,Philippines – Libu-libong bukirin at taniman ng mga magsasaka sa lalawigan ng Isabela ang nawasak matapos salakayin ng pesteng daga, ayon sa ulat kahapon ng Department of Agriculture. Dr. Danilo Tumamao, provincial agriculture officer.
Ang pagsalakay ng mga pesteng daga sa mga taniman ay bunga umano ng magkakasunod na pagbaha nitong mga nakalipas na buwan dala ng tuluy-tuloy na pagbuhos ng ulan.
Kumpara sa mga pananim na mais, ang tanim na palay ng mga magsasaka ay hindi pa umano namumulaklak at ang iba ay katatapos pa lamang itanim kung kaya’t maaari pa umano itong palitan ng bagong pananim.
Kabilang sa siyam na mga bayan ng Isabela na matinding sinalanta ng daga ay ang mga bayan ng Mallig, Ramon at ang lungsod ng Cauayan City kung saan tinatayang umaabot na sa 3,000 hectares na mga pananim na palay at mais ang winasak ng mga daga.
Labis naman na nababahala ngayon ang iba pang magsasaka sa iba pang lugar ng lalawigan sa posibleng pagkalat ng mga pesteng daga sa iba pang bayan kung saan namumunga na ang kanilang mga pananim na palay at mais.
- Latest
- Trending