9-anyos nene binoga ng 13-anyos

MANILA, Philippines - Isang 9-anyos na babae  ang iniulat na nasugatan makaraang mabaril ng isang 13-anyos na lalaki sa tapat ng tindahan sa Sitio Bugtong Bukid, Barangay Poblacion, sa bayan ng Sebaste, Antique noong Biyernes ng umaga.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Ruperto Floro Jr. na nakarating sa Camp Crame, itinago sa pangalang Anita ang biktima na may tama ng bala sa kanang bahagi ng ulo ay unang isinugod sa Sebaste Community Hospital bago inilipat sa ospital sa Kalibo, Aklan.

Lumilitaw na bumibili sa tindahan ang biktima nang kulitin ng 13-anyos na maglaro.

Tumanggi naman ang batang babae dahil sa takot na mapagalitan ng kaniyang ina na binilinan ito na umuwi kaagad.

Akmang aalis na ang biktima nang itutok ng suspek ang improvised gun na sinasabing gamit ng ama nito sa pamamaril ng ibon. 

Umalingawngaw ang putok ng baril na sumapul sa biktimang duguang bumagsak kung saan ay humampas pa sa matigas na bagay ang ulo nito.

Ayon kay Floro ay nagkamalay na ang bata at unti-unting bumubuti ang kalagayan nito.

Itinurn-over naman sa kustodya ng Regional Office ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang batang lalaki bunga na rin ng pagiging menor-de-edad nito.

Show comments