P3M limas sa may-ari ng minahan
MANILA, Philippines - Umaabot sa P3 milyong halaga ng ari-arian ang natangay sa isang general manager ng mining firm matapos holdapin ng mga armadong kalalakihan sa Sitio Agsur, Barangay Bahi sa bayan ng Barobo, Surigao del Sur kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni Caraga spokesman P/Supt. Martin Gamba ang biktima na si Wen Tsen Nan, 56, general manager ng Triple Win Mining Company sa Agusan del Sur.
Ayon sa imbestigasyon, lulan ng abuhing Toyota Hi-lux (KDZ-735) ang biktima mula sa bayan ng Rosario, Agusan del Sur patungong Sitio Agsur nang harangin ng mga armadong kalalakihan sa highway.
Walang nagawa ang biktima matapos na tutukan ng cal. 45 pistol ng mga di-kilalang lalaki kung saan inatasan itong dalhin ang sasakyan sa bayan ng Lianga , Surigao del Sur patungong Bayugan City.
Pagsapit sa liblib na lugar ay isa-isang nilimas ang mga mapapakinabangan sa biktima kabilang ang P 1.5 milyong cash, CNY 40,000, HKD $ 500, hindi pa mabatid na halaga ng Taiwan dollar, checkbook, express ATM card, gintong kuwintas, mamahaling gintong relo, cellular phone, Taiwanese passport, US passport at passport na nakapangalan kay Dong Yi.
Inabandona ang biktima sa harapan ng simbahan sa Bayugan City kamakalawa bandang alas-2 ng hapon pero tinangay ng mga ito ang kaniyang sasakyan.
- Latest
- Trending