MANILA, Philippines - Umaabot na sa 24-katao ang iniulat na nasawi habang 377 iba pa ang nakaratay sa ospital matapos madale ng sakit na leptospirosis dulot ng bagyong Sendong na sumalanta noong Disyembre 17, 2011 sa mga lungsod ng Cagayan de Oro at Iligan.
Sa ipinalabas na ulat kahapon ng tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, patuloy pang inoobserbahan ang mga pasyenteng naratay sa ospital na positibo sa leptospirosis na sinasabing bacteria mula sa ihi ng daga at aso.
Ayon sa ulat, aabot sa 258-katao ang naapektuhan mula sa Cagayan de Oro City habang 119 naman mula sa Iligan City.
Sa naitalang nasawing biktima, 16 ang mula sa lungsod ng Iligan at walo naman sa Cagayan de Oro City.
Nakaapekto ang bagyong Sendong sa may 120,233 pamilya (1,141,252-katao) mula sa 815 barangay, 57 bayan at walong lungsod sa 13 lalawigan sa mga rehiyong sinalanta nito partikular na sa Cagayan de Oro City at Iligan City.
Samantala, naitala naman sa P1,455,825,723.40 bilyong halaga ng ari-arian ang napinsala ng bagyo sa agrikultura at imprastraktura.
Ang lungsod ng Cagayan at Iligan ang grabeng sinalanta ng bagyong Sendong na nagdulot ng malawakang flashflood kung saan naitala sa 1,257 ang nasawi habang aabot naman 6,603-katao ang nasugatan at aabot sa 181 ang nawawala.
Iniulat din ng NDRRMC na sa dalawang lungsod ay nasa 5, 668 pamilya (26,473 katao) ang kinakanlong sa may 56-evacuation center.