Misis, mga anak idinamay. Mister pinasabog ang sarili

MANILA, Philippines - Nagutay ang katawan ng isang mister matapos pasabugin ang dinamita sa sarili na ikinasawi rin ng kaniyang misis at pa­nganay na anak na lalaki habang apat pa nilang anak na paslit ang nasugatan sa gitna ng away ng mag-asawa sa Zamboanga City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang mga biktima na sina Agsali Subbaani, misis nitong si Jannuka at panganay na anak na si Pansidal, 17-anyos; pa­wang dead-on-the-spot sa insidente.

Isinugod naman sa Zam­boanga City Hospital ang mga sugatang anak ng mag-asawa na sina Pasig, 11; Puja, 9; Goa-Goa, 7 at Singa, 10-anyos upang malapatan ng lunas.

Ayon kay Zamboanga City Police Director P/Sr. Supt. Edwin de Ocampo, bandang ala-1 ng mada­ling-araw ng mangyari ang insidente sa gitna ng mainitang pagtatalo ng mag-asawang Badjao sa loob ng kanilang taha­nan sa Purok 4, Brgy. Rio Hondo ng nasabing lungsod.

Lumilitaw sa imbestigasyon, ayon kay de Ocampo na nais nang maki­paghiwalay ni Jannuka sa kaniyang mister bunga ng hindi pagkakaunawaan ng mga ito kaya pinasabog ng huli ang sarili sa pamamagitan ng dinamita na gamit nito sa illegal na pangi­ngisda.

Nagalit umano ang nasabing mister kaya pinasabog ang sarili pero sa kamalasan ay nadamay sa insidente ang kaniyang misis at mga anak.

Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.

Show comments