MANILA, Philippines - Bultu-bulto ng mga illegal na paputok na aabot sa humigit kumulang sa sampung sako ang nasamsam ng mga awtoridad sa serye ng raid sa mga stall na nagbebenta nito sa lalawigan ng Bulacan kahapon.
Kasabay nito, ipinag-utos ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang pagpapasara sa tatlong tindahan ng paputok at pyrotechnics na nasamsaman ng mga ipinagbabawal na paputok.
Ang raid ayon kay Bartolome ay isinagawa ng mga operatiba ng pulisya sa loob ng 24 oras matapos namang umpisahan ni Interior and Local Government Secretary Jessie Robredo ang pag-iinspeksyon sa mga stall ng mga nagbebenta ng paputok at pyrotechnics sa lalawigan partikular na sa bayan ng Bocaue kamakalawa.
Kabilang sa mga ipinag-utos na ipasara ay ang Bong and Lyn fireworks store na pag-aari ni Primitivo Calleja sa bayan ng Bocaue na nasamsaman ng 390 piraso ng kabasi, 2 piraso ng goodbye Philippines, 9 piraso ng super bawang, 5 piraso ng giant whistle bomb, 47 cube ng super pla pla, 40 kahon ng super lolo na nagkakahalaga ng P 60,000.00.
Ipinasasara rin ang Allan fireworks store na pag-aari ni Allan San Jose na nakumpiskahan ng 9 piraso ng 1000 rounds ng OG Sawa, 16 rims ng piccolo, 52 piraso ng atomic bomb, 74 piraso ng kwiton bomb, 2 piraso ng whistle bomb at iba pa na nagkakahalaga ng P15,000.00.
Ikatlo naman ang Gladys fireworks store na pinangangasiwaan naman nina Ryan Castillo na nasamsaman naman ng 9 piraso ng kabasi, 87 giant whistle bomb, 12 rims ng opla pal, 3 thunder lolo, 6 piraso ng goodbye Philippines, 161 rims ng piccolo at iba pa na tinatayang humigit kumulang sa P 12,000.00 ang halaga.
Sinabi ni Bartolome na ipinag-utos na rin niya ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 7183 o ang illegal na pagmamanupaktura, pagbebenta at distribusyon ng mga mapanganib na ipinagbabawal na uri ng paputok at pyrotechnics.