MANILA, Philippines - Sumiklab ang kaguluhan sa loob ng Ozamis City Jail matapos mag-noise barrage ang mga preso kung saan napatay ang isang bilanggo habang dalawang iba pa ang nasugatan sa Zamboanga del Norte kamakalawa.
Kinilala ni PNP spokesman P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. ang napatay na si Danilo Adanza, habang dalawa ang nasugatan at ngayon ay ginagamot sa Zanorte Medical Center.
Bandang alas-12:25 ng tanghali nang sumiklab ang noise barrage sa building 2 kung saan hinostage ng isang grupo ng preso ang kanilang mga kakosa.
Nag-demand pa ang mga preso na makausap si Zamboanga del Norte Gov. Rolando Yebes kung saan agad nagsagawa ng negosasyon ang mga opisyal ng bilangguan sa pamumuno ni P/Chief Supt. Deogracias Tapayan para payapain ang grupo ng mga preso.
Matapos ang ilang oras na negosasyon ay napayapa na rin ang mga preso kung saan pinagsasaksak ng mga ito ang tatlo nilang kasamahan. Nagsagawa naman ng diyalogo si Tapayan sa hanay ng mga preso upang alamin ang karaingan ng mga ito na humantong naman sa karahasan.