CAMARINES NORTE, Philippines – Nagwakas ang modus operandi ng tatlong kalalakihan na sinasabing notoryus na holdaper makaraang makipagbarilan sa mga alagad ng batas sa bahagi ng Barangay Napawon sa bayan ng Goa, Camarines Sur kamakalawa ng hapon.
Kabilang sa napatay sina Pretzi Tiraman, Mahil Consulta na may kasong rape; at isang alyas Batman na nasa talaan ng PNP na most wanted, pawang nakatira sa bayan ng Tigaon, Camarines Sur.
Sa ulat ni P/Chief Insp. Chito Oyardo, lumilitaw na hinoldap ng tatlong nakamotorsiklo ang dalawang kolektor ng Ramirez Finance Services na sina Ricardo Ramirez at William Mativo.
Matapos tutukan ng baril ang dalawang kolektor ay tinangay ang bag na naglalaman ng P15,000 koleksyon mula sa Naga City.
Nakaabot naman sa himpilan ng pulisya ang impormasyong ibinigay ng dalawang kolektor kaya mabilis na naglatag ng checkpoint sa mga posibleng daanan ng mga holdaper.
Kaagad namang namataan ang tatlo na lulan ng motorsiklo kaya tinangkang harangin sa checkpoint subalit iniwasan ang mga nagbabantay na pulis kaya nagkahabulan.
Umabot sa limang kilometro ang habulan bago sumiklab ang barilan sa pagitan ng mga pulis at tatlong holdaper kung saan nakasalubong si kamatayan.
Narekober sa tatlong napatay ang dalawang baril, patalim, motorsiklo at ang bag na naglalaman ng malaking halaga. Francis Elevado, Ed Casulla at Joy Cantos