MANILA, Philippines - Lima katao ang iniulat na nasugatan makaraang sumabog ang bomba sa bayan ng Kabakan, North Cotabato nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Renato Mendoza, 39; Elsa Araiz, 42; Russel Bigwas, 18; Jovelyn Ligo Haro; 19; at Darwin Galas, 40, na agad isinugod sa Kabacan Polymedic Hospital at Amas Provincial Hospital.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., bandang alas-7 ng gabi nang mangyari ang pagsabog sa panulukan ng Malvar at Aglipay Sts. sa nasabing munisipalidad.
Nagresponde naman sa lugar ang mga elemento ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at Explosives and Ordnance (EOD) team ng Cotabato Provincial Police Office (PPO) at narekober ang mga bahagi ng sumabog na improvised explosive device (IED).
Sa pahayag naman ni Col. Prudencio Asto, Chief ng Public Affairs Office ng Army’s 6th Infantry Division (ID), gawa umano ang naturang IED sa 81mm mortar.
Samantala, isang IED pa ang natagpuan dakong alas-7:40 naman ng gabi sa kahabaan ng Gov. Gutierez Ave., Brgy. Rosary Heights 9, Cotabato City.
Pinaniniwalaan namang kagagawan ng Bangsa Islamic Freedom Movement (BIFM), ang tumiwalag na mga kasamahan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nasa likod ng pagpapasabog.
Sa teorya ng mga awtoridad, ang nasabing grupo ay tutol sa pag-upo ng mga caretaker sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na siyang isa sa sinisilip na motibo ng pagpapasabog.