Mag-asawa dedo sa trak
MANILA, Philippines - Magkasamang sinalubong ni kamatayan ang mag-asawang matanda habang anim pa ang nasugatan matapos suwagin ng 10-wheeler truck ang multicab at bahay sa gilid ng highway sa Barangay Matabao sa bayan ng Buenavista, Agusan del Norte kamakalawa.
Kinilala ng tagapagsalita ng Caraga PNP na si P/Supt. Martin Gamba, ang nasawing mag-asawang Marcelo Caluyang, 95; at Lucena Villa Caluyang, 70, kapwa idineklarang patay sa Agusan del Norte Provincial Hospital.
Sugatang naman sina Joseph Capagngan, 29; Jennifer Simblante, 39; Evelyn Bernaldez, 24; Bernard Llido, 52; Isidra Torres, 39 at si Alicia Sarsaba, 12.
Lumilitaw na nawalan ng preno ang dump truck (GEG 763) ni Joesel Lucinda, 45, na patungong Butuan City mula sa bayan ng Nasipit kaya inararo ang multicab at tahanan ni Katrina Sarsaba kung saan namatay ang mag-asawang matanda.
Gayon pa man, sumuko sa pulisya ang driver ng truck kung saan pormal na kakasuhan.
- Latest
- Trending