Landmine sumabog: Lola utas, 7 sundalo sugatan
MANILA, Philippines - Isang 63-anyos na lola ang iniulat na nasawi habang pitong sundalo naman ang nasugatan matapos sumambulat ang landmine na itinanim ng mga rebeldeng New People’s Army sa highway ng Sitio Puerto, Barangay Maharlika sa Bislig City, Surigao del Sur kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ni Army’s 4th Infantry Division spokesman Major Eugenio Julio Osias IV ang namatay na si Lilia Lalisan ng Doña Carmen sa bayan ng Tagbina.
Isinugod naman sa ospital ang mga sugatang sina 2nd Lt. Michael Pascua, lider ng platoon; Gregorio Dacayanan, Pfc Efraim Joy Manalili, Pfc John Rey del Rosario, Pfc Renan Bertillo, Pfc Alberto Caballo at si Pfc Mon Claire Fernandez.
Lumilitaw na lulan ng military truck ang mga sundalo ng Army’s 75th Infantry Battalion kung saan nakisakay ang lola nang maganap ang pagsabog.
Samantala, ang insidente ay ikalawa sa paglabag sa idineklarang 18-araw na tigil putukan ng pamahalaan sa grupo ng NPA matapos ang naunang pananambang sa Tandag City, Surigao del Sur noong Disyembre 16 na ikinasawi ng 5-sundalo habang dalawa pa ang nasugatan.
- Latest
- Trending