BULACAN, Philippines — Animo’y kidlat na ipinasara sa daloy ng trapiko ang Gatbuca Bridge sa bayan ng Calumpit, Bulacan na nagdulot ng pagkairita ng mga motorista partikular na sa mga pampasaherong jeepney noong Biyernes ng hapon. Ang pagpapasara ay ipinag-utos ng Department of Public Works and Highways para mapigilan ang nakaambang panganib tulad ng Colgante Bridge sa bayan ng Apalit, Pampanga na bumagsak noong Nobyembre 23. Mananatiling nakasara sa lahat ng uri ng sasakyan ang Gatbuca Bridge sa loob ng apat na araw habang isinasagawa ang paunang pagkukumpuni dahil sa nadiskubreng steel truss sa ilalim ng tulay ay naputol. Ikinagalit naman ng mga motorista, partikular na ng mga jeepeney driver na may rutang Malolos-San Fernando sa Pampanga ang biglaang pagpapasara ng tulay dahil sa kawalan ng maagang babala. Ayon kay Engr. Antonio Molano, direktor ng DPWH sa Gitnang Luzon, ang pansamantalang pagpapasara ng tulay ay batay sa resulta ng kanilang inisyal na inspeksyon na hiniling ni Bulacan Gob. Wilhelmino Alvarado na nagpahayag ng pangamba matapos bumagsak ang di-kalayuang Colgante Bridge.