Pandi, Bulacan ,Philippines — Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang kolektor ng money lending business matapos na pagbabarilin ng riding in tandem nang pumalag sa holdap sa bayang ito kamakalawa.
Kasalukuyan pang inoobserbahan sa pagamutan ang biktimang si Cresencio Bautista 28, residente ng Grottoville Subd., San Jose Del Monte City, empleyado ng Fundline Financing Corp.
Arestado naman ng tumugis na mga awtoridad ang isa sa suspek na si Herminio San Diego ng Brgy. Poblacion, Baliuag.
Base sa ulat ni P/CInsp.Sabino Vengco lll dakong alas-2:30 ng hapon ay kasalukuyang nangongolekta ng mga pautang na pera ang biktima sa ilang residente na nakatira sa Brgy. Manatal, Pandi nang sundan at holdapin ng mga suspek na lulan ng isang motorsiklong Honda.
Nanlaban naman ang biktima kaya binaril ng hindi pa mabatid na kalibre ng armas saka mabilis na tumakas tangay ang P23,000 nitong koleksyon. Iniimbestigahan pa ang kasong ito.