Magkaibigan dedo sa trak

MEYCAUAYAN CITY, Bulacan, Philippines – Malungkot na Pasko ang sumalubong sa pamilya ng magkaibigang lalaki na iniulat na nasawi matapos sumalpok ang kanilang motorsiklo sa trailer truck na pumarada sa madilim na bahagi ng Barangay Saluysoy sa Meycauayan City, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot pa sa ospital ang mga biktimang sina Jesus Moreno, 25, bakasyunistang marino, ng Brgy. Bilog,Valenzuela City; at Alfred Villanueva 25, ng Brgy. Longos, Meycauayan City.

 Samantala, sumuko naman ang drayber ng trak (TXP 840) na si Eduardo Reman, 65, ng Brgy. Palo, Bongabon, Nueva Ecija.

Ayon kay PO2 Fauji Muhalim, nagmula ang dalawa sa inuman sa Valenzuela City kung saan patungo sana sa bayan ng Marilao, Bulacan upang muling ipagdiwang ang pagiging balikbayan ni Moreno.

Subalit sa hindi ina­asahang pagkakataon ay biglang nakasalubong si kamatayan matapos mag-overtake sa sinusundang pampasaherong bus.

Show comments