Hypermart sa Isabela naabo
TUGUEGARAO CITY, Philippines — Umaabot sa milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy matapos masunog ang pamosong Talavera Hypermart sa Cauayan City, Isabela kamakalawa ng gabi.
Pinaniniwalaang nanggaling ang apoy sa kuneksiyon ng Christmas lights sa Christmas tree display na unang nakitang umuusok.
Bagama't wala namang nasawi at nasaktan, pinuna ng ilang nagrespondeng bumbero na hindi sapat ang gamit ng nasabing establisimiyento sa fire alarm at fire extinguishers kung kaya hindi agad napansin ng mga guwardiya ang apoy na nag-uumpisa pa lamang dakong alas-7:30 ng gabi.
Sinasabing kumalat ang apoy sa kisame ng gusali at saka lamang napansin na may nangyayaring sunog noong makapal na ang usok sa labas ng gusali.
Nahirapan na ring apulahin ng mga guwardiya ang apoy sa ikalawang palapag na kinalalagyan ng mga damit, laruan at playground dahil sa makapal na usok.
Naapula naman ang apoy kung saan wala pang opisyal na ulat ang Bureau of Fire Protection sa pinagmulan at halaga ng natupok.
Matatandaan na mag-iisang taon na ang naganap na nasunog na Bed And Breakfast Hotel sa Tuguegarao City kung saan aabot sa 16-katao ang nasawi noong Disyembre 19, 2010.
- Latest
- Trending