9 bahay nilamon ng lupa
RIZAL ,Philippines — Aabot sa 9 bahay sa isang subdibisyon ang nilamon ng lupa makaraang gumuho ang mataas na bahagi kahapon ng tanghali sa Antipolo City, Rizal. Kaagad na nakalabas ang mga naninirahan sa siyam na kabahayan na natabunan ng lupa sa Summer’s Ville Subdivision sa Marcos Highway sa Brgy. Mayamot sa nasabing lungsod.
Sa ulat ni Joey Marco, hepe ng lokal na Office of Civil Defense ng Antipolo City Hall, naganap ang insidente dakong alas-12 ng tanghali nang bumigay ang rip-rap na sumusuporta sa lupa ng katabing subdibisyon na Oro Vista Royal Executive Subd.
Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng Antipolo City Rescue Team at nag-inspeksyon ang mga tauhan ng Engineering Office makaraang makatanggap ng ulat na sinasabing isang swimming pool ang ginagawa sa Oro Vista Subd. na pinaniniwalaang sanhi ng paghina ng pundasyon ng lupa.
Pinalilikas naman ng pamahalaang lungsod ang iba pang residente na nakatira malapit sa lugar sa panganib na magkaroon muli ng landslide.
- Latest
- Trending