MANILA, Philippines - Napaaga ang salubong ni kamatayan laban sa anim na sibilyan makaraang tangayin ng malakas na agos ng tubig-baha habang tumatawid sa ilog sa bayan ng Poona Piagapo, Lanao del Norte noong Huwebes.
Kinilala ang mga nasawi na sina Rahcman Ampang, 54; Normkila Ampang, 35; Subaida Ampang, 48; Aslima Ampang, 32; Noraima Talib, 26; at si Ainah Ali, 5, habang nakaligtas naman sina Bulawan Ampang, 28; Cosari Ampang, 28; at Salima Ampang, 18.
Ayon kay Ana Cañeda, director ng Office of Civil Defense sa Northern Mindanao, ang mga biktima ay nalunod matapos rumagasa ang tubig-baha subalit walang nagsilikas dahil hindi umabot ang flashflood sa residential areas.
Nabatid na tumatawid ang mga biktima nang anurin ng malakas na agos ng tubig na umapaw mula sa creek patungong ilog.
Matapos ilatag ang search and rescue operation ay narekober ang mga bangkay ng biktima sa mababaw na bahagi ng Mailunod River sa bayan ng Kauswagan noong Biyernes.
Ang bayan ng Poona Piagapo at 5th class municipality sa Lanao del Norte kung saan dumarami ang Maranao. Alexis Romero (Phil. Star News Service)