MANILA, Philippines - Apat katao ang nasawi habang 10 pa ang nasugatan sa magkahiwalay na pagsabog ng granada na inihagis ng riding in tandem sa Midsayap, North Cotabato at Tacurong City, Sultan Kudarat nitong Miyerkules ng gabi.
Sinabi ni AFP-Eastern Mindanao Command Col. Leopoldo Galon, dakong alas-7:30 ng gabi nang hagisan ng granada ng dalawang lalaking magkaangkas sa kulay pulang Baja motorcycle ang bahay ni Dina Madrigal malapit sa Brgy. Hall sa Nalin 1 sa bayan ng Midsayap.
Dead on the spot si Hilario Villaflor, 60, habang dead-on-arrival naman sina John Lloyd Anza, 8 at Eric John Quirol, 12 sa Midsayap Community Hospital at si Isidro Gisalan Awa Sr., 42 na binawian naman ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa Dela Cruz Hospital sa Libungan, North Cotabato ang buntis na si Rhoda Mae Sela,19; Isidro Awa Jr., 14; Fransbeth Ansa, 8; Dina Madrigal, 57 at Sofia Anza, 5. Ginagamot naman sa Midsayap Community Hospital si Hydee Praqueles, 12 at isa pang mag-ina na 'di natukoy ang pagkakakilanlan na isinugod naman sa Cotabato Regional Hospital.
Ayon kay Galon, bago ang insidente ay nakita pang umaaligid sa lugar ang motorcycle riding in tandem na hindi nakilala dahilan sa suot na helmet at ng makakuha ng tiyempo ay hinagisan ng granada ang bahay ni Madrigal.
Ang mga salarin ay mabilis na tumakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon at ngayo’y tinutugis na ng mga awtoridad.
Bandang alas-9:33 naman ng gabi ng hagisan ng tatlong suspek na magkakaangkas rin sa kulay pulang Yamaha motorcycle ang gate ng New Isabela National High School sa Purok, Sampaguita, Tacurong City.
Isang malakas na pagsabog ang narinig sa lugar na ikinasugat ng security guard na si Glen Meterio, 31 at ng bystander na si Ricky Casador, 41.
Inihayag ni Galon, kasalukuyan ng iniimbestigahan ng pulisya ang motibo ng paghahagis ng granada upang maaresto at mapanagot sa batas ang mga suspek.