Pamangkin ng mayor kinidnap

MANILA, Philippines - Dinukot ng mga armadong kalalakihan ang pamangking lalaki ng isang alkalde matapos harangin ang sinasakyan nitong habal-habal sa Barangay Xing Dualing sa bayan ng Aleosan, North Cotabato kahapon ng madaling- araw.

Kinilala ni Army regional spokesman Col. Leopoldo Galon ang biktima na si Romy Cabaya, 23, pamangkin ni Aleosan Mayor Loreto Cabaya.

Nabatid na papauwi na ang biktima lulan ng habal-habal mula sa bayan ng Midsayap nang harangin ng mga armadong kalalakihan.

Walang nagawa ang biktima matapos tutukan ng baril at kaladkarin pasakay sa Isuzu pickup.

Samantala, natagpuan naman ang sasakyan na sinunog sa tabing kalsada ng Sitio Resingan, Brgy. Dunguan ilang oras matapos dukutin ang biktima.

“Anak ni Mayor, natiyempuhan ka rin namin, huwag kang papalag halika sumama ka sa amin,” pahayag ng mga kidnaper sa lengguwaheng Muslim base sa salaysay ng driver ng habal-habal na nag-report ng insidente sa mga awtoridad.

Show comments