BATANGAS, Philippines – Kamatayan ang kapalit ng pagiging matapang sa serbisyo ng isang ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos ratratin ng dalawang 'di-pa kilalang lalaki sa bayan ng Lemery, Batangas noong Sabado ng umaga.
Kinilala ni P/Chief Inspector Jay Agcaoili, hepe ng CIDG-Batangas ang napaslang na si PO3 Noel Magnaye Villalobos, 41, field unit member ng CIDG-Batangas at nakatira sa Barangay Tubuan, Lemery.
Ayon sa naantalang ulat, nagpapa-change oil ng kanyang Honda Civic (WAJ-388) si PO3 Villalobos sa bisinidad ng Bonifacio Street sa Barangay Lucky nang lapitan at pagbabariin bandang alas-11:15 ng umaga.
Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa katawan, mukha at kamay si PO3 Villalobos na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Bago nagsitakas, kinuha pa ng gunmen ang service firearm ni PO3 Villalobos na .9mm Berretta pistol at sumibad patungo sa direksyon ng Barangay Maguihan na pawang naglalakad lamang.
Narekober sa crime scene ang walong basyo ng cal. 45 pistol at limang slugs.
Ayon sa hepe ng biktima, si PO3 Villalobos ay masugid na sumusubaybay sa mga sindikato ng illegal drugs at prostitution sa Lemery na posible nitong nasagasaan kaya siya itinumba.
Si PO3 Villalobos ay kapatid ni Rodolfo "Rod" Villalobos na manager ng isa sa pinakamalaking foot spa clinic sa Metro Manila.