MANILA, Philippines - Walo-katao ang iniulat na nasawi habang tatlong Cafgu Active Auxiliary ang malubhang nasugatan matapos na muling sumiklab ang clan war sa pagitan ng magkalabang angkan ng mga pulitiko na nag-aagawan sa lupain sa lalawigan ng Lanao del Sur, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ni Col. Daniel Lucero, commander ng Army’s 103rd Infantry Brigade, bandang alas-5 ng umaga kamakalawa nang magsagupa ang magkalabang angkan ng pamilya nina Mayor Hadji “Apollo” Aziz ng Lumbaca-Unayan, Lanao del Sur; Arimao Asum, anak nitong si Mayor Sonbao Asum ng Lumbayanague; Azgar Sangcopan at si Superi sa bisinidad ng Barangay Malalis at Brgy. Dumalundong sa bayan ng Butig.
Sugatan sa madugong sagupaan sina Acmand Guntinga, Maumar Ringia Umpara at isa pa mula sa angkan ng mga Asum.
Nasawi sa bakbakan ang lima sa grupo ni Delio Bao alyas Superi at tatlo naman sa nakaengkuwentro nitong grupo.
Nabatid na matagal nang may alitan ang magkakalabang angkan at nagkakaubusan ng lahi dahil sa clan war na sa tuwing magkakainitan ay dumadanak ng dugo.
Lumilitaw na nag-umpisa ang bakbakan nang lusubin ng angkan nina Asum ang bahagi ng Barangay Malalis na teritoryo ng grupo nina Sangcopan at Alim.
Nahinto lamang ang bakbakan nang dumating ang puwersa ng militar at pulisya kung saan napagkasunduan ang ceasefire matapos pumagitna sa labanan ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan.