MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P20 milyong halaga ng ari-arian ang sinunog ng mga rebeldeng New People’s Army sa compound ng construction company sa Barangay Dolo sa bayan ng Bansalan, Davao del Sur noong Biyernes ng gabi. Ayon sa ulat, dakong alas-11:30 ng gabi nang salakayin ng grupo ni Ka Marvin ang CNQC na pag-aari ng Tian Jin Group of Company saka sinunog ang mga heavy equipment tulad ng payloader, truck roller, grader at backhoe. Dinisarmahan pa ng mga rebelde ang guwardiyang si Marlo Auza at saka nagsitakas lulan ng dalawang motorsiklo. Ang Tian Jin Group of Company ang gumagawa ng Bansalan-Makilala national highway. Pinaniniwalaang pangingikil ng revolutionary tax ang isa sa motibo ng pananabotahe ng NPA.