MANILA, Philippines - Napatay ang isang tinyente habang malubha naman ang isang sundalo makaraang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army ang medical mission team ng tropa ng Philippine Army sa hangganan ng Barangay San Vicente Grande at Barangay Nabasan sa bayan ng Daraga, Albay kahapon ng umaga.
Kinilala ni Army’s 9th Infantry Division spokesman Major Angelo Guzman ang nasawing batang opisyal na si 2nd Lt. George Tiago habang sinugod naman sa ospital sa Legaspi City si Pfc Genesis Broso.
Ayon kay Guzman, dakong alas-9:20 ng umaga habang lulan ng military truck ang 10-man team ng tropa ni Lt. Col. Audrey Pasia ng 2nd Infantry Battalion kasama ang grupong sibilyang si Dr. Ramon Martin Velasco na magsasagawa ng medical mission sa Brgy. Nabasan nang tambangan.
Ayon kay Col. Arthur Ang, commander ng 901st Infantry Brigade, ang medical mission ay hiniling ng mga opisyal ng barangay sa Phil. Army dahil sa marami na ang nagkakasakit kaya naman pinaunlakan ng Phil. Army katuwang ang mga doktor.
Tumagal ng 20-minuto ang bakbakan habang hindi naman tinamaan sa palitan ng putok ang sibilyang doktor na kasama ng tropa ng militar.
“It seems that the NPA rebs are not choosing their targets anymore, these are humanitarian missions and some of the beneficiaries might be their families and relatives,” pahayag ni Major General Josue Gaverza ng Army’s 9th Infantry Division.