MANILA, Philippines - Itinaas na kahapon sa P.2 milyon ang pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaaresto ng killer ng ama ng international singing sensation na si Charice Pempengco na pinagsasaksak noong Lunes ng gabi sa bayan ng San Pedro, Laguna.
Sa phone interview, sinabi ni San Pedro Police Chief P/Supt. John Kirby Kraft, ang P100,000 ay alok na reward ni San Pedro Mayor Calixto Cataquiz at karagdagang P 100,000 naman mula kay Laguna Gov. Jeorge Ejercito Estregan.
Inaasahan namang mapapabilis ang pagdakip sa suspek na si Angel Capili matapos na bumuo na ang pulisya ng tatlong tracker teams sa ilalim ng Task Foce Pempengco na sumusuyod sa mga lugar na posibleng pinagkukutaan nito.
Ayon kay Kraft matapos na magpalabas ng reward mula sa lokal na pamahalaan at sa Laguna PNP ay marami na silang natatanggap na impormasyon laban sa suspek.
Nabatid din na hindi inabutan ng tracker team ang suspek sa tahanan nito sa bayan ng General Trias, Cavite kung saan sinabi ng misis ni Capili na isang linggo na itong hindi umuuwi.
Si Capili ang sumaksak at nakapatay sa ama ni Charice na si Ricky Pempengco sa bisinidad ng Brgy. Laram sa nasabing bayan noong Oktubre 31.
Samantala, taliwas sa unang napaulat, nilinaw ni Kraft na ang nasakoteng si Armando Capili sa Bondoc Peninsula, Quezon ay kapatid ni Angel at walang kinalaman sa pagpatay sa ama ni Charice kung saan dinakip nila ito sa hiwalay na kasong murder.