MANILA, Philippines - Halos mabiyak ang bungo ng isang 6-anyos na batang lalaki matapos itong hatawin ng asarol ng kaniyang ama na sinasabing may diperensya sa pag-iisip kamakalawa ng hapon sa Purok 2, Barangay Bulang sa bayan ng Malinao, Albay.
Idineklarang patay sa ospital ang biktimang si Jerson Samper matapos na magtamo ng malalim na sugat sa ulo. Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Domingo Macenas na sinasabing sinumpong ng mangyari ang insidente.
Sa ulat ni P/Supt. William Macavinta, naganap ang krimen sa tahanan ng biktima at ng ina nito na hiwalay na sa suspek.
Lumilitaw na dinalaw ng suspek ang mag-ina nang bigla itong sumpungin ng kaniyang sakit sa pag-iisip kaya kinuha ang matalim na asarol at targetin ang ulo ng bata.
Nabatid na kahit hiwalay na ang ina sa suspek ay palagi itong dumadalaw sa kanilang tahanan upang bisitahin ang bata. Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang mga awtoridad.