Magsasaka todas sa kasalan

QUEZON, Philippines – Napatay ang 33-anyos na isang magsasaka matapos na tamaan ng bala ng baril na ipinutok ng kanyang kaibigang senglot sa ginanap na kasalan sa Barangay Manggalang 1 sa bayan ng Sariaya, Quezon kamakalawa ng hapon. Napuruhan sa ulo ang biktimang si Jorlan Arizapa ng Barangay Sampaloc 1 habang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Fernando Casapao, 55. Ayon kay SPO1 Noriel Banaag, dakong alas-5 ng hapon nang yayain ng biktima ang suspek na mag-inuman sa post wedding celebration. Nang malasing ang suspek ay inilabas nito ang baril at ipinagyabang sa mga kainuman. Napag-alamang ipinutok ng suspek ang baril sa sementadong pader subalit tumalbog ang bala at tumama sa ulo ng biktima.

Show comments