2 todas sa holdap

MANILA, Philippines - Napaslang ang isang may-ari ng minimart matapos na pagbabarilin ng da­lawang armadong holdaper habang isa naman sa mga suspek ay na­patay rin ng tumugis na mga operatiba ng pulisya kamakalawa ng gabi sa Cainta, Rizal.

Kinilala ni Rizal PNP Director P/Sr. Supt. Ma­nuel Prieto ang mga nasawi na sina Rodolfo Ma­cinas, may-ari ng Bicol mi­ni­mart na matatagpuan sa  Blk. 15, Riverside, Exo­dus, Floodway, Brgy. Sta. Ana ng na­banggit na bayan at hindi pa kilalang holdaper.

Sugatan naman ang kapatid ni Macinas na si Carmelita, 35-anyos matapos na humarang ito para protektahan ang kapatid sa bugso ng bala mula sa mga holdaper.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi sa loob ng nasa­bing minimart kung saan ay pumasok ang dalawang suspek na parehong naka-helmet na nagdeklara ng holdap. Ibinigay naman ni Carmelita ang laman ng kaha pero biglang pumasok ang biktima kaya pinagbabaril ng mga holdaper saka mabilis na tumakas. Sa pursuit operation ng mga awtoridad ay napatay naman ang isa sa mga suspek.

Show comments