4 rebelde patay sa sagupaan, 2 sibilyan sugatan
SOLANO, Nueva Vizcaya, Philippines — Apat na hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) na kinabibilangan ng isang amasona ang nasawi matapos ang isang madugong sagupaan sa masukal na bahagi ng Baggao, Cagayan kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat ng 5th Infantry Division ng Philippine Army na nakabase sa Gamu, Isabela, dakong alas-5:30 ng umaga nang makasagupa ng mga militar mula sa 17th Infantry Batallion ang mga rebeldeng NPA sa Barangay San Miguel, Baggao, Cagayan.
Ayon kay Col. Alvin Flores ng 17th IB isa umanong impormasyon ang kanilang natanggap kaugnay sa mga armadong grupo na nasa nasabing lugar kung kaya’t agad silang rumesponde.
Dito na nagpalitan ng putok ang magkabilang panig na tumagal ng limang oras kung saan dalawang sibilyan ang iniulat na nasugatan matapos gamitin 'di umano ng mga rebeldeng NPA bilang human shield habang papatakas sa mga tumutugis na sundalo.
Nakuha sa pinangyarihan ng labanan ang isang M16 rifle at shotgun, habang patuloy pa rin na inaalam ang katauhan ng mga nasawing mga rebelde sa pamamagitan ng kanilang mga kamag-anak sa nabanggit na bayan.
- Latest
- Trending