MANILA, Philippines - Isang 15-anyos na estudyante ang inaresto ng pulisya matapos itong magdala ng baril sa loob ng eskuwelahan sa high school sa Barangay Canbanua, Argao, Cebu kamakalawa ng hapon.
Kasabay nito, napigilan ang posibleng pagdanak ng dugo sa eskuwelahan dahil tangkang barilin ng 15-anyos na estudyante na itinago sa pangalang Joel, 3rd year high school ang kaniyang kaaway na mag-aaral din.
Lumilitaw na bandang alas-4:25 ng hapon nang makatanggap ng tawag ang himpilan ng pulisya mula sa gurong si Jona Teo ng Argao National High School ang hinggil sa isa nilang estudyante na may bitbit na cal. 38 revolver.
Mabilis namang rumesponde ang pulisya at naaktuhan si Joel na ipinakikita pa nito sa kaniyang mga kaklase ang baril na may kargang 6-bala.
Inamin naman ni Joel na dinala niya sa eskuwelahan ang baril na hiniram sa kaniyang kamag-anak pero tumangging itong pangalanan.
Naikuwento rin ni Joel sa kaniyang mga kaklase na gagamitin niya ang nasabing baril sa kaniyang kaaway sa eskuwelahan para ipagtanggol ang sarili dahil mas malaki ang pangangatawan nito sa kaniya.
Hindi naman masabi ng mga magulang ni Joel kung saan kinuha ng kanilang anak ang baril habang binatikos naman ng pulisya ang seguridad sa nasabing eskuwelahan kaya nakalusot si Joel kung saan naipaabot ng kaniyang mga kamag-aral sa kanilang guro na mabilis namang nakaaksyon.