Mag-utol nilamon ng apoy

MANILA, Philippines - Nilamon ng apoy ang mag-utol na bata matapos masunog ang tahanan sa bayan ng Salcedo, Ilocos Sur kamakalawa.

Halos matusta ang mga biktimang sina Stephanie Ronquillo, 15; at Ryan Nicolas Ronquillo, 10, kapwa nakatira sa Barangay Balidbid, sa nasabing bayan.

Sa ulat na nakara­ting kay P/Supt.Venancio Arnedo, naganap ang sunog bandang alas-12:15 ng madaling-araw kung saan nagkakasamang natutulog ang mag-utol at ang kanilang mga magulang.

Ayon sa ama ng mag-utol na si Arnelson Ronquillo, nagulantang na lamang sila nang maramdaman ang init sa paligid ng kanilang bahay kung saan  mabilis na kumakalat ang apoy.

Sinabi ni Arnelson na una niyang iniligtas ang kaniyang misis na si Ruby na nagtamo ng paso sa katawan at dahil katabi niya ito sa pagtulog habang nababa­lutan ng makapal na usok ang buong kabahayan na nilalamon ng apoy.

Gayon pa man, nang babalikan na ni Arnelson ang dalawang anak sa kabilang kuwarto ay nabigo na siyang maisalba ang mga ito dahil masyadong makapal na ang apoy sa buong kabahayan.

Subalit tinangka pa rin ni Arnelson na masagip ang dalawang anak kaya nagtamo ito ng sugat sa kanyang paa at hindi na naisalba ang mag-utol.

Ayon kay SFO1 Jason Baguryo, mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang nasabing bahay kung saan na-overcharged na flashflight ang sinasabing pinagmulan ng apoy na naapula bandang alauna ng hapon.

Show comments