Mag-lover natagpuang patay

RIZAL, Philippines — Masangsang na amoy ang naging susi upang matuklasan ang bangkay ng mag-lover sa loob ng kanilang tahanan sa bayan ng San Mateo, Rizal kamaka­lawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang dalawa na sina Jonathan Quinones, 39; at Jonah, 33, ng Block 43, Lot-14, Phase-4A, Tierra Monte, Barangay Silangan, San Mateo, Rizal. Sa inisyal na imbestigasyon ni P02 Raymond Mendeja, nadiskubre ang insidente dakong alas-6 ng gabi matapos makatanggap ng tawag ang pulisya mula sa ilang concerned citizen na nagrereklamo sa masangsang na amoy na nagmumula sa loob ng tahanan ng dalawa. May teorya ang pulisya na crime of passion ang motibo matapos na marekober sa gilid ng bangkay ni Quinones ang isang pistola at magazine na sinasabing ginamit sa krimen. Hindi pa naman matukoy ng mga awtoridad kung pinatay muna ng lalaki ang babae bago nito kinitil ang sariling buhay.

Show comments