MANILA, Philippines - Dalawang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at isang sundalo ang nasugatan makaraan ang engkuwentro sa hangganan ng Brgy. Remedios at Brgy. San Juan, Cervantes , Ilocos Sur nitong Biyernes ng umaga.
Sa phone interview sinabi ni Col. Eliseo Posadas, Commander ng Army’s 503rd Infantry Brigade, dakong alas-8:45 ng umaga ng makasagupa ng Army’s 50th Infantry Battalion ang may 15 rebelde sa nasabing lugar.
Nagkaroon ng 15 minutong putukan na ikinasugat ng isang sundalo na isang enlisted personnel na isinugod na sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Sinabi ni Posadas ng humupa ang bakbakan ay nakita sa encounter site ang maraming mga bakas ng dugo at ayon sa kanilang mga sibilyan asset ay dalawang sugatan rebelde ang nakitang binibitbit ng mga nagsitakas nilang kasamahan.
Narekober sa lugar ang isang M14 rifle at isang M16 rifle habang patuloy ang pagtugis laban sa grupo ng mga rebelde.