Bus vs truck: 4 utas

MANILA, Philippines - Trahedya ang sumalubong sa Boy Scout Jamboree kung saan nasawi ang apat-katao habang pitong iba pa ang nasugatan matapos magsalpulkan ang mini-bus at dump truck sa highway ng Sitio Gusawan, Brgy. Monching sa bayan ng Siay, Zamboanga Sibugay kahapon ng hapon.

Dalawa sa apat na namatay ay kinilalang sina Arnel Yuayan, 38, security guard sa Olutanga Na­tional High School at Regie Fredo, 15, 3rd year high school sa nasabing eskuwelahan.

Ang dalawa pang nasawi na hindi pa nakuha ang mga pangalan ay binawian naman ng buhay sa ospital.

Patuloy namang nilalapatan ng lunas ang mga nasugatang biktima na karamihan ay mga boyscout na dadalo sana sa gaganaping Boy Scout Jamboree sa bayan ng Ipil.

Sa phone interview, sinabi ni Zamboanga Sibugay Provincial PNP Director Senior Supt. Ruben Cariaga Sr., bumabagtas ang dump truck ng Mabuhay, Olutanga Island na sinasakyan ng mga boyscout nang salpukin ang pampasaherong Rural Transit Bus  na may body number 9164. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa naganap na road mishap.

Show comments