Encounter: 4 tauhan ni Commander Kato, utas
MANILA, Philippines - Apat na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Movement (BIFM) renegade ng wanted na si Commander Ameril Umbra Kato ang napatay habang walo pa ang nasugatan makaraang makasagupa ng grupo nito ang mga dati nilang kasamahan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao kamakalawa.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. na nauwi sa bakbakan ang ginawang pananambang ng grupo ng BIFM ni Commander Kato sa grupo ng MILF 106th Base Command na pinamumunuan naman ni Commander Mhads Sambolawan sa Brgy. Ganta ng bayang ito dakong alas -6 ng umaga.
Nabatid na nasa 200 tauhan ng BIFM sa pangunguna nina Commander Hasan Endal, Samar, Abu Naria, Kagi Karialen at Kagi Talio na nasa 200 ang armadong tauhan ang naunang nagpaputok sa grupo nina Sambolawan na mabilis na nagdepensa.
Base sa report sinabi ni Cruz na apat ang napaslang sa grupo ni Kato habang anim naman sa mga ito ang nasugatan ay dalawa naman sa panig ng 106th Base Command ang sugatan.
Nabatid na humupa lamang ang bakbakan ng magkabilang panig matapos na mamagitan ang MILF Ceasefire Committee at mga miyembro ng International Monitoring Team.
- Latest
- Trending