MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng Ozamis Robbery Gang at dalawang bank security guard ang iniulat na napaslang habang tatlong iba pa ang nasugatan sa madugong armored robbery/holdup sa Cebu City, Cebu kahapon ng umaga.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, dakong alas-9:15 ng umaga nang isagawa ang panghoholdap ng tatlong armadong kalalakihan laban sa teller ng China Bank na si Lewin Surig na sinasabing magdadala ng malaking halaga sa isang money changer sa loob ng Robinsons’ Place sa Fuente Osmeña Avenue.
Sugatan sina Surig at Lito Odac, security escort habang si Leofer Etac na security guard din ng banko ay dead-on-the-spot.
Naisugod sa Chon Hua Hospital sina Surig at Odac kung saan ilang minuto ay namatay naman si Odac dahil sa mga tama ng bala ng baril habang patuloy namang inaalam ang mga pangalan ng tatlong napaslang na holdaper.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Melvin Ramon Buenafe, isinugod naman sa Chong Hua Hospital ang dalawang sugatang pulis na sina PO1 Roy Ceniza at PO1 Elrich Silva matapos tamaan sa shootout laban sa mga holdaper.
Lumilitaw na narinig nina Ceniza at Silva ang mga putok ng baril kaya kaagad silang bumaba sa patrol car mula sa Palace of Justice.
Mabilis naman rumadyo ang dalawang pulis sa iba pang kasamahang pulis para pigilin ang mga holdaper na lulan ng dalawang motorsiklo.
Nakorner at napatay ang dalawang holdaper sa bahagi ng Ranudo Street habang ang isa naman ay nakorner sa Alcohos Street sa Brgy. Zapatera kung saan namatay sa Cebu City Medical Center.
Narekober naman malapit sa katawan ng isa sa napatay na holdaper sa Ranudo Street ang bag na naglalaman ng P1.2 milyon at ang tatlong cal. 45 pistol.