BULACAN, Philippines — Nadakma ng mga operatiba ng pulisya ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang barangay tanod sa isinagawang operasyon sa Barangay Lambakin sa bayan ng Marilao, Bulacan kahapon ng umaga. Pormal na kinasuhan ni P/Chief Inspector Gerardo Andaya, ang suspek na si Guilbert Capinid ng NorthVille 4 sa nasabing barangay. Si Capinid ay naaresto sa kanyang bahay makalipas ang 10-oras na mapatay nito si Barangay Tanod Emiliano Plamenco at si Jose Thelmo Macalisan, isang pasyente na kalalabas lamang sa Philippine Orthopedic Hospital. Nasugatan naman ang 23-anyos na anak ni Macalisan na si Monabel matapos pasukin ng suspek ang bahay ng mga ito. Inamin naman ng suspek ang nasabing krimen subalit ikinatwiran nito na gumanti lamang siya.