Dancer sinaksak ng kabaro, kritikal

MANILA, Philippines - Isang 30-anyos na dancer sa club ang malubhang nasugatan matapos saksakin ng kaniyang kasamahan dancer dahil sa matinding selos sa loob ng dressing room ng KTV bar sa Barangay Carreta, Cebu City, Cebu kamaka­lawa ng gabi.

Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamata­yan sa Chong Hua Hospital dahil sa malalim na saksak sa kaliwang dibdib si Erlinda Valdezamo ng Brgy. Sambag 1 habang naaresto naman ang suspek na si Hazel Panugan, 20.

Sa ulat ng Cebu City PNP, bandang alas-7 ng gabi habang nasa dressing room ng Arena KTV bar ang biktima nang komprontahin ng suspek.

Nabatid na nagselos ang suspek dahil napunta sa biktima ang atensyon ng lalaking kapwa napalapit sa kanila.

Sa gitna ng komprontasyon ay nagsabunutan at nagkalmutan ang da­lawa hanggang mahagip ng suspek ang 9-pulgadang matalim na kutsilyo at itarak sa dibdib ng biktima.

Akmang uundayan muli ng saksak ng suspek ang napahandusay na duguang biktima nang sumaklolo ang iba pang dancer sa bar at awatin ito.

Nagkataon namang malapit lang sa KTV bar si SPO1 Jeffrey Diola  ng Cebu City PNP Theft and Robbery Section kaya inaresto si Panugan at itinurn-over sa kustodya ng Homicide Section ng pulisya.

Show comments