BATANGAS ,Philippines – Bumagsak na sa kamay ng pulisya ang suspek sa pagpatay ng tatlo niyang kamag-anak sa bayan ng Lian, Batangas matapos masakote sa loob ng Baclaran Church kahapon ng umaga.
Ayon kay P/Senior Inspector Joel Laraya, Lian police chief, payapang naaresto si Roldan Mendoza habang kausap nito ang kanyang asawa sa simbahan bandang alas-11:30 ng umaga.
Mabilis na naaresto ng pulisya ang suspek dahil na rin sa pakikipagtulungan ng asawa nitong si Hilda.
Napag-alamang nakipag-ugnayan si Hilda sa mga pulis matapos mag-text at tumawag sa kanya si Roldan kung saan nakipagkasundong makikipagkita sa loob ng Baclaran church.
“Inamin naman sa amin ang krimen at nagdilim daw ang isip n’ya (Roldan) dahil na rin sa kalasingan,” ani Laraya
Nagawang saksakin ni Roldan ang mga kaanak nang hindi ito pahiramin ng P500 ng kanyang tiyahin.
Nang tanungin ng PSNGAYON kung bakit sa simbahan ito nagtago “nang matauhan ako, bigla akong nagsisi sa nagawa ko at humingi na rin ng tawad sa Diyos,” pahayag ni Roldan.
Sa tala ng pulisya, si Mendoza ay itinuturong pumaslang sa tiyahin niyang si Merlita Austria at mga pinsang sina Emmanuel at Emelita Austria habang nasa loob ng kanilang bahay sa Barangay Luyahan, Lian, Batangas noong Sabado ng gabi.