RIZAL, Philippines – Aabot na sa pito-katao ang iniulat na nasawi habang 167 naman ang nanatiling inoobserbahan sa ilang ospital matapos manalasa ang dengue sa bayan ng Rodriguez, Rizal, ayon sa ulat ng municipal health office. Sa ulat ni Dra. Anna Elvira Bautista-Parenno, health executive director, apat sa mga nasawi ay mula Barangay San Rafael, dalawa sa Barangay Balete at isa naman sa Barangay San Jose. Kabilang sa 167 residente na dinapuan ng dengue ay mula sa bulubunduking bahagi ng mga Baragay Puray, Mascap, Macabud at sa Barangay San Isidro. Gayon pa man, hindi pa idinedeklarang dengue outbreak ang mga nabanggit na barangay sa hindi nabatid na dahilan. Patuloy namang nagsasagawa ng clean-up drive, pamamahagi ng mosquito nets na may gamot, at nagsasagawa ng information campaign laban sa dengue.