Rapist hinatulan ng 3 habambuhay

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines  – Hinatulan ng tatlong habambuhay at karagdagang anim hanggang labin­dalawang taon pagkakulong laban sa isang 40-anyos na lalaki matapos mapatunayan ng korte na siya ang gumahasa ng isang menor-de-edad na babae sa Barangay Tubigan sa bayan ng Angat, Bulacan noong 2005.

Bukod sa 3-habambuhay na kulong, pinagbabayad ni Judge Rolando Bulan ng Malolos City Regional Trial Court Branch 77 ang akusadong si Fabian De Lima ng halagang P175,000 para sa biktima bilang bayad sa civil, moral at exemplary damages.

Nagpalabas din ng alias warrant of arrest laban sa kasamahan ni De Lima na sinasabing akusado rin na si Arcadio Atis.

Binalewala ng korte ang alibi ng akusado bagkus binigyan ng timbang ang testimonya ng biktima na positibong itinuro ang dalawang akusado na nanghalay sa kanya sa tatlong magkakasunod na insidente.

Automatiko naman dadalhin sa Court of Appeals ang desisyon ng mababang korte laban sa mga akusado.

Show comments