MANILA, Philippines - Tatlong armadong kalalakihang kidnapper kabilang ang anak ng kumander ng Sayyaf na pinaniniwalaang responsable sa pagdukot kina ABS CBN anchorwoman/reporters Ces Drilon at dalawa nitong crew noong 2008 ang iniulat na napatay matapos sumiklab ang sagupaan laban sa tropa ng Philippine Army sa Barangay Bungkayong sa bayan ng Patikul, Sulu kamakalawa.
Base sa ulat na nakarating sa opisina ng AFP deputy Chief of Staff for Operations, bandang alas-8:45 ng umaga nang makasagupa ng mga sundalo ng 3rd Light Reaction Company at 63rd Force Reconnaissance Company (FRC) ng Philippine Army ang grupo ni Abu Sayyaf Commander Hatib Usman Asari sa kagubatan.
Kabilang sa napatay ay sina Asrizal Asari, anak ni Kumander Asari; Roger Isah at si Faizal Asari na pawang natukoy na sangkot sa pagdukot sa grupo ni Drilon noong Hunyo 2008 sa bayan ng Maimbung, Sulu.
Samantala, sugatan naman ang isang sundalo ng 63rd FRC.
Nabatid na nasa 40 hanggang 50 Abu Sayyaf ang nakasagupa ng tropa ng militar kung saan tumagal ang bakbakan ng 30-minuto bago nagsiatras sa sagupaan ang mga terorista.
Narekober sa encounter site ay apat na rounds ng 40mm, dalawang cell phone, iba’t ibang uri ng magazine, mga personal na gamit, mga bala ng cal 5.56 at 7.62 rifle at iba pa.
Base sa tala, si Drilon at dalawang crew nitong sina Jimmy Encarnacion at Angelo Valderama maging ang kanilang guide na si Mindanao State University Professor Octavio Dinampo ay binihag ng Sayyaf sa bayan ng Maimbung habang nagsasagawa ng exclusive interview sa lider ng Abu Sayyaf na si Radulan Sahiron alyas Commander Putol.
Unang pinalaya si Valderama, dalawang araw matapos bihagin kung saan sumunod namang pinalaya sina Drilon pagkalipas ng 9-araw.