SUBIC BAY FREEPORT ZONE, Philippines – Bagama’t huling araw na niya sa trabaho, hindi nagdalawang-isip ang isang kawani ng SBMA na isauli ang napulot na pitaka na pag-aari ng isang Filipino-Australian senior citizen na naiwan ng automated teller machine (ATM) sa Subic Bay Freeport Zone.
Natagpuan ni Alexander “Alex” Galang, correspondent din ng Pilipino Star NGAYON, ang naturang pitaka na nakapatong sa ATM malapit sa Times Square Cinema na agad naman niyang itinurn-over sa Law Enforcement Department ng SBMA.
Naglalaman ang pitaka ng apat na tig-P1,000 bills, tatlong P500 bills at isang P20 bills kasama na ang South Wales driver’s license, mga identification cards, senior citizen discount card na nakapangalan kay Freddie Loyzaga gayundin ang blankong Bank of Philippine Islands (BPI) cheque.
Sa follow-up naman na isinagawa ng mga Intellegence officer ng Law Enforcement Department sa pangunguna ni Special Investigator Aljoseph Abarro ay inihatid ang napulot na wallet sa nakasulat na address sa Block 17, Gordon Heights, Olongapo City kung saan naka-check-in naman ang may-ari sa Subic Venezia Hotel and Casino.
Sa panayam kay Galang, hindi sumagi sa kanyang isip na maaring mangailangan na siya ng pera sa mga darating na araw dahil hindi na ni-renew ng SBMA ang kanyang kontrata bilang photographer sa Media Production Department ng nasabing ahensya.
Sa panig ni Loyzaga na magbibigay siya ng letter of commendation para kay Galang at sa mga investigation officer ng SBMA.