MANILA, Philippines - Napaslang ang 12 rebeldeng New People’s Army matapos makasagupa ang tropa ng Phil. Army sa hangganan ng Barangay Kauswagan, Sto. Niño sa bayan ng Loreto, Agusan del Sur kamakalawa.
Sa phone interview, sinabi ni Army’s 4th Infantry Division spokesman Major Eugenio Julio Osias IV, bandang alas-8:50 ng umaga nang makasagupa ng 26th Infantry Battalion sa ilalim ng Army’s 402nd Infantry Brigade ni Col. Rodrigo Diapana ang grupo ng rebelde.
Nabatid na gumamit na ng MG520 attack helicopter ang Philippine Air Force bilang suporta sa ground forces ng Philippine Army laban sa grupo ng NPA na posibleng responsable sa tangkang pag-atake sa himpilan ng pulisya sa Trento, Agusan del Sur subalit nasilat.
Napag-alamang isa sa sundalo ng Cafgu na si Ricky Lantong ay napatay sa dalawang oras na bakbakan habang wala namang nasugatan sa panig ng militar.
Lumilitaw sa ulat ng mga civilian asset na walong rebeldeng napatay ay inilibing na ng kanilang mga kasamahan habang apat pa ang nakitang nakahandusay sa encounter site.