P500-M maisan nasalanta
SANTIAGO CITY, Isabela ,Philippines – Umaabot sa P500 milyong halaga ng pananim na mais ang winasak ni Juaning sa Quirino sa nakalipas na araw.
Ayon kay Quirino Gov. Junie Cua, naunang isinailalim sa state of calamity ang buong lalawigan matapos mapuruhan dahil sa lakas ni Juaning na sumira sa mga plantasyon ng mais, palay at mga saging.
“Our major damage was to corn crops wherein a total of 19,000 hectares of corn plantations have been affected by the typhoon,” pahayag ni Cua.
Bukod sa binanggit na pinsala ng bagyo ay aabot din sa 4,000 ektaryang pananim ang tuluyang hindi na mapakinabangan kung saan karamihan sa mga pananim ay nasa flowering stage pa lamang.
Sa lakas ng bagyo na tumama sa lalawigan ay naputol din ang linya ng kuryente matapos bumagsak ang ilang poste sa kasagsagan ng bagyo noong Miyerkules.
Wala naman iniulat na nasaktan o nasawi subalit karamihan sa mga magsasaka ay nangangamba at naghahanap sa pambayad sa mga utang matapos ang malaking pagkalugi dahil sa walang aanihin.
- Latest
- Trending