Ama kinatay ng anak; ina, kapatid kritikal

CAMP SIMEON OLA , Legazpi City, Philippines  — Patay ang isang padre de pamilya habang nasa kritikal namang kondisyon ang ina at kapatid nito matapos na pagtatagain ng anak ng mag-asawa na may dipe­rensya sa pag-iisip sa Brgy. Cogon, Gubat, Sorsogon kamakalawa.

Kinilala ang nasawi na si Angeles Escanilla 62, may asawa at agad namang isinugod sa Sorsogon Provincial Hospital ang mag-inang sina Iluminada Escanilla 60 at anak na sa Lorenzo Escanilla 28, pawang mga residente ng nasabing lugar.

Arestado naman ha­bang hawak pa ang duguang itak na ginamit sa krimen ang suspek na si Adrian Escanilla 25, binata, na wala sa katinuan ng isagawa ang karumaldumal na krimen.

Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-3:40 ng hapon habang ang mag-asawa at anak nito ay nasa loob ng kanilang bahay at nanonood ng palabas sa telebisyon.

Nanlilisik ang mga mata ng bigla na lamang ang mga itong bulagain ng suspek na armado ng bagong hasang itak at walang awang pagtatagain na ikinasawi ng matandang Escanilla.

Sumunod namang sinugod ng suspek ang kaniyang ina at kapatid na sa kabila ng sugatan ay nagawang makasigaw at humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay na agad namang tumawag ng mga pulis.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen.

Show comments