2 pulis, 2 iba pa todas sa Ifugao landslide
SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines – Dalawang alagad ng batas ang nalibing nang buhay matapos matabunan ng landslide habang tumutulong sa pag-aahon ng pampasaherong sasakyan na nabalahaw sa putikan sa kasagsagan ng bagyong Juaning sa Ifugao kamakalawa.
Ayon sa ulat, nakilala ang dalawang pulis na nalibing nang buhay habang nagsasagawa ng rescue operation na sina SPO2 Jeff Domingo at SPO2 Ricky Agwit, kapwa nakatalaga sa Aguinaldo PNP station sa Aguinaldo, Ifugao.
Ayon kay P/Senior Superintendent Laurence Mombael, Ifugao PNP director, dakong alas-3:30 ng hapon noong Miyerkules nang dispatsahin ang mga pulisya upang tumulong sa mga commuter na napaulat na stranded matapos hindi makausad ang kanilang sasakyan mula sa gumuhong lupa sa Barangay Nailagan sa bayan ng Aguinaldo.
Gayon pa man habang tumutulong ang dalawang pulis ay muling gumuho ang lupa na naging dahilan upang malibing nang buhay ang dalawa.
“The two policemen were dispatched to the area around 3:30 in the afternoon Wednesday to assist commuters. We received the unfortunate report about 30 minutes later,” pahayag ni Mombael.
Samantala, maliban sa dalawang pulis ay dalawang iba pang sibilyang sina Boy Machingi at Dino Nabban ang nabaon din dahil landslide.
Lumilitaw na nagkataong napadaan din ang dalawang sibilyan sa lugar kung saan unang natabunan ang dalawang pulis nang muling gumuho ang itaas na bahagi ng kalsada na tumabon sa kanila. Ang bangkay ng apat na biktima ay magkakasunod na nahukay kahapon ng umaga ng rescue team. Victor Martin at Joy Cantos
- Latest
- Trending