Coed binoga sa holdapan

MANILA, Philippines - Isang 18-anyos na college student ang nasugatan matapos mabaril ng isa sa apat na holdaper sa pampasaherong jeepney sa Cebu City, Cebu kamakalawa.

Naisugod naman sa Vicente Sotto Memorial Medical Center matapos tamaan sa magkabilang hita si Algea Sebe, kumukuha ng kursong Hotel and Restaurant Management sa University of San Carlos.

Ayon sa imbestigasyon, anim lamang ang pasahero ng jeepney nang pansamantalang huminto sa gasolinahan upang magkarga ng krudo nang sumakay ang apat na armadong holdaper sa MJ Cuenco Avenue sa Barangay Carreta.

Ilang minuto pa matapos na makaalis sa gasolinahan ay nagdeklara ng holdap ang apat na armado ng baril, at patalim kung saan isa-isang nilimas ang pera, alahas, cell phone at iba pang mga kagamitan ng mga biktima.

Nabatid na hindi naman pumalag ang biktima na sa takot ay kusang ibinigay ang gintong kuwintas pero nang bumaba ang mga holdaper ay pinaputukan ang jeepney kung saan tinamaan sa hita ang nasabing estudyante.

Sa follow-up operation ay nasakote naman ng pulisya ang isa sa suspek na si Rodel Narciso,18, nakumpiskahan ng cal .357 revolver na may limang bala. 

Show comments