Ina, 3 anak nasagip sa sadistang ama
Manila, Philippines - Nailigtas ng mga awtoridad ang isang 30-anyos na misis at tatlo nitong anak mula sa sadistang mister na umbagero noong Biyernes sa bayan ng Matanao, Davao del Sur.
Kinilala ang nasagip na si Salbiah Yusof, Indonesian, may mga bakas pa ng pasa sa katawan nang ma-rescue ng pulisya.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, sinalakay ng mga operatiba ng pulisya kasama ang mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development ang bahay ni Yusof at ng asawa nitong Pinoy na si Doming Danion.
Nagkataon namang umalis ang sadistang mister nang isagawa ang raid kung saan ay nasagip ang biktima at mga anak nito.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na nakilala ni Yusof ang suspek na nagtrabaho dati sa Indonesia at dumating sa nasabing lalawigan dala ang mga bata may walong buwan pa lamang ang nakararaan.
Ini-report naman ng mga kapitbahay sa mga awtoridad ang pisikal na pananakit ng suspek laban sa biktima kung saan expired na ang passport at itinurn-over ang kaniyang tatlong anak sa Indonesian Consulate sa Davao City.
Hinihintay naman ng pulisya na pormal na sampahan ng kaso ng misis ang suspek.
- Latest
- Trending