BAGUIO CITY ,Philippines – Nakalabas na sa kaniyang detention cell ang lider ng Ilocos-Cordillera Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na si Jovencio Balweg Sr. matapos idismis ng korte ng Abra ang kasong murder, frustrated murder at rebelyon kaugnay ng pagpatay sa kaniyang sariling kapatid na si dating rebel priest Conrado Balweg noong Disyembre 1999.
Ayon kay Regional Trial Court Branch 2 Judge Corpus Alzate wala silang nakitang matibay na ebidensya laban kay Balweg sa pagpatay sa kaniyang kapatid.
Sinabi ni Alzate na si si Balweg ay lumaya sa detention cell ng Philippine National Police (PNP) dakong alas-12 ng tanghali.
Nang mapatay noong Disyembre 30, 1999, idineklara ng Chadli Molintas Command ng CPP-NPA na nilikida nila ang rebel-priest dahilan sa utang nitong dugo sa bayan matapos na talikdan ang komunistang kilusan.
Magugunita na matapos na tumiwalag sa CPP ay isinama ni Balweg ang iba pang lider ng NPA at binuo ang Cordillera People’s Liberation Army (CPLA).